Hayaan ninyo akong magsimula sa pagsasabing laging mahirap ang bumuo ng mga unang kataga.
Sa gawing kanan ng aking silid ay naglagay ako ng isang pahabang salamin. Ito ay nasa likod ng pintuan para pagpasok ko ay repleksyon ko na agad ang makikita ko pagkasara ng pinto. Uunahan na kita, hindi ako Narcissistic. Inilagay ko iyon duon para mas madali kong makita ang mali sa bawat biak at singit ng aking tabaing pangangatawan, mula ulo hanggang paa.
Sa totoo lang, gusto kong pumayat, as in payat, at maging maputi at mistisahin. Nakakatawa lang isipin kasi matakaw ako. As in matakaw. Kung hindi ko lang pipigilan ang sarili ko, kaya kong kumain kada-minuto. Bukod duon ay talagang ipinanganak akong maitim. Oo, ipinaglihi ako ng nanay ko sa tsamporado, tsokolateng nagiging sanhi ng pagtago niya sa ilalim ng mesa at sa isang itang nakapwesto sa labas ng aming tindahan nuong ipinagbubuntis pa niya ako. Pango ang ilong ko, malapad ang nuo, kulot ang buhok at pandak. Mga katangian ng sinaunang Pilipino.
Tanggap ko ang mga katangiang ito ng aking pagkatao. Minsan, cute nga ang tingin ko sa sarili ko eh. Subalit, naglagay pa rin ako ng salamin sa likod ng aking pinto para paulit-ulit kong ipaalala sa aking sarili na kahit tanggap ko ang itsura ko, kahit kelan ay hindi ito sapat. Hindi ako kuntento. Sa telebisyon ay araw-araw kong nakikita na ang mga babaeng bida ay may natatanging kagandahan na hindi tugma sa aking mga pamPilipinong katangian. Sila ay magaganda, mapuputi, mestisa at may balingkinitang pangangatawan. Araw-araw iniisip ko dapat pala ganoon din ako para lamang makahanap ako ng taong tunay na magmamahal sa akin. Bagaman tanggap ko ang aking sarili, kahit kailanman ito'y hindi sapat.
May mga taong nagparamdam na ako rin ay maaaring maging kagaya ng mga bidang aking pinapanuod at marahil hinahangaan sa telebisyon. Subalit, sa tuwing sa kanila ako'y haharap, laging nakatungo ang aking ulo, upang ito ay itago, nakakipit ang aking mga kamay upang ang aking katawan ay maikubli. Ayukong makita nila kung ano ang nakikita ko, isang babaeng kahit kailanman ay hindi magiging sapat para sila ay manatiling nagmamahal o kaya nama'y interesado. Ayokong buksan ang aking pagkatao sa kanila, dahil baka isang araw makita nila ang pangit sa akin, at ako ay masaktan. Ayoko nang masaktan dahil lamang sa hindi nila kayang tanggapin kung ano ang kanilang nakikita sa akin. Maraming beses ko nang naramdaman iyon 'nong ako ay bata pa.
Inilagay ko ang salamin sa likod ng aking pinto, upang makita ko ang pangit sa akin, dahil gusto ko itong itama. Akala ko tanggap ko na ang aking sarili, kung sino at ano ito. Pero hindi ko pala kayang tanggapin ang isang bagay na nais kong baguhin. Hindi ako kuntento kaya pilit ko itong binabago.
Isang araw nagbago ang buhay ko. Huminto ang aking mundo, habang ang lahat ng tao ay abala sa kanilang buhay. Ilang gabing nalimot ko ang kasiyahan at namuhay ako sa kalungkutan. Hinarap ko lahat ng sakit na matagal nang bumabagabag sa akin. Marami pala silang nakatago sa loob ko na akala ko'y tanggap ko na. Nagpakatapang ako sa gitna ng kahinaan. Binitawan ko ang mga bagaheng nagpakuba sa aking likod sa bigat.
Inilagay ko ang salamin sa likod ng pintuan ngayon upang pilit hanapin ang maganda sa akin. Gusto ko nang makita ang tunay na kaligayahan at magmahal ng lubos ng isang taong kaya kong tingnan at yakapin. Sa gitna na pagsubok, sa kalugmukan at kalungkutan, wala man akong nakamtang sagot sa aking mga tanong, ay may nakita akong kaunting liwanag. Mas nakilala ko na ang aking sarili.
Hindi ako mestisa, matangkad o payat. Ako ay ipinaglihi ng nanay ko sa tsamporado at sa tsokolateng naging sanhi ng pagtago niya sa ilalim ng mesa at sa isang itang nakapwesto sa labas ng aming tindahan nuong ako'y ipinagbubuntis pa. Maliit lamang ako. Pango ang aking ilong at kulot ang aking buhok. May salamin akong pahaba sa likod ng pinto ng aking kwarto.
No comments:
Post a Comment