Sunday, July 17, 2016

Inspired

"Nagsalita ang Unggoy!" ay isang essay na isinulat ko nuong ako ay nasa kolehiyo. Ako ang "unggoy" sa kwentong ito, at pinariringgan ko ang sarili ko. 


----------ooOoo----------


Nagsalita ang Unggoy!



Sabado na naman nuon at naiwan na naman akong mag-isa sa bahay. Masayang-Masaya ako, dahil sa wakas masosolo ko s’ya! Oo, masosolo ko siya – ang kompyuter namin! Masosolo ko na ang kompyuter namin. Makakapaglaro na naman ako! Habang naglalakad ako papalapit sa kanya ay bigla akong napahinto, nagulat, nataranta at natakot., Hindi ko alam ang gagawin ko nang makita ko siyang nakahiga sa sahig. Isang “Flying object”, isang “UFO” – isang ipis! Itago na lamang natin siya sa pangalang "Junior"


May napansin akong kakaiba kay Junior. Hindi sya nakakatakot – hindi s’ya nalipad. Buhay si Junior,  pero mahina. Yes! Naghihingalo na si Junior. Hahayaan ko na sanang mamatay ng dahan-dahan si Junior sa sahig, at masaya na sana akong maglalaro ng computer games, pero bigla akong nakaramdam ng awa, ng habag at nang simpatya kay Junior. Kaya tumigil muna ako at binalikan ko si Junior. Tinitigan ko siya’t parang nakaramdam ako na meron na akong responsibilidad sa kanya. Natakot ako, at nagtanong ulit ako sa sarili ko kung paano ko magagampanan ang responsibilidad ko sa kanya, eh isa siyang ipis? Si Junior ay isang ipis. Ewan, basta ang alam ko responsibilidad ko na si Junior simula nang nakita ko na siyang nag-iisa, naghihirap at naghihingalo. Kaya bilang tugon sa tawag ng responsibilidad, inapakan ko na lang si Junior. Kawawa naman kasi s'ya eh. Kesa maghirapan pa siya, hindi ba? Parang mas mabuting tulungan ko na lang s'yang tuldukan ang paghihirap n'ya. Hindi iyon murder! Awa yun. Matapos n’on winalis ko pa nga siya at itinapon sa basurahan. Tsk, tsk… isa na namang buhay ang nawala. Tsk tsk.

Yes! Yes, dahil makakapaglaro na ako… peste talagang ipis inabala pa ako.

Ito’y isang totoong kwento sa buhay ko at kapag naaalala ko’y natatawa na lang ako sa pinagaggagawa ko. Pero, dahil duon ay bigla akong nakabuo ng realisasyon… salamat sa iyo Junior, sumalangit nawa ang iyong kaluluwa!

Gaano kadalas na nga ba tayo tinatawag ng responsibilidad? Ilang beses na ba tayong paulit-ulit na tinatalakan ng ating mga nanay at  sinasabon ng ating mga tatay na gawin ang mga “dapat” nating gawin at tapusin na ang mga “dapat” nating tapusin? Ilang ulit na ba tayong tumugon sa tawag na iyon; at ilang ulit na ba nating tinalikdan ang mga iyon para sa pansarili nating kasiyahan?

“Ewan," "siguro maraming beses na," "madalas," "pakealam mo ba," "wafakels,” eto marahil ang karaniwang nagiging tugon natin sa mga tanong na iyon. 

Pero, ito ay isa na namang patunay na ikaw, ako at tayong lahat na kabataan naririto ngayon ay nabubuhay sa mundo ng walang kamulatan sa totoong kabuluhan ng salitang responsibilidad. Tayo’y tila mga taong takot sa nakamamatay na epidemya ng responsibilidad, pero wala namang ginagawa upang malampasan ito o ‘di kaya nama’y malunasan. Sa nakatatanda. Tayo’y mga hibang, mga tanga at mga bobo – dahil ayaw daw natin sa isang bagay na tiyak bubuhay sa atin. Ewan ko lang kung totoong bubuhayin tayo noon, o baka isa lamang iyong advertisement o marketing strategy para kumagat tayo sa tawag ng responsibilidad.

Madalas kung nagtatalo ang isang mag-ina o isang mag-ama ay dahil sa isyu ng responsilidad. Kesyo inuuna raw ng anak ang lakwatsa, ang barkada, ang lovelife at kung anu-ano pa. Ang patatalong iyon ay magtatapos sa isang pagkukwento ng magulang tungkol sa kanyang responsableng kabataan. Ikukwento ng magulang sa anak na araw-araw ay maaga siyang gumigising upang tumulong sa bahay o upang mag-aral. Ikukwento pa niya na hindi siya naglalakwatsa at tanging sa simbahan, bahay at sa eskwelahan lamang umiikot ang buhay niya. Ulit, ewan ko kung paano nila magagawang maglakwatsa nuon kung hindi pa uso ang mga malls sa probinsya. O, malay ko ba kung “strategy” lamang nila iyon para matanggap ng anak nila na “oo” mali na nga siya, hindi na nga siya responsible, bobo s’ya, tanga s’ya at wala na nga siyang mararating kung hindi siya magiging responsible. Pero ano nga ba ang madalas na tugon ng isang anak na nasabon ng magulang tungkol sa bagay na ito?

Pagkatapos ng kalahating araw ng sermon, pagkatapos mapagod ng magulang ay titigil din ito at aalis sa kung saan sila nagtatalo ng anak. Ang anak nama’y iiyak, mag-eempake at maglalayas. Hay… responsibilidad!

Hindi nga ba’y kapag naglayas ka matapos ng ganoong pangyayari’y lalo mo lamang pinatunayan sa magulang mo na tama silang hindi ka nga maaasahan at iresponsable ka nga – takot sa katotohanan? Kaya naman, bakit imbes na mag-empake ka at maglayas ay patunayan mo na lamang sa mga magulang mo na mali sila sa pag-iisip na iresponsable ka? Kaya, heto ang ilang hakbang upang mapatunayan sa iyong mga magulang na responsable ka.
  1. Magkulong ka sa silid mo ng kalahating araw. Maglinis ka. Linisin mo ang kwarto mo. Itupi ang mga damit sa drawer o cabinet. Tanggalin ang agiw sa kisame. Punasan ang bintana. Walisan ang ilalim ng kama. Pagkatapos ay lumabas ka sa kwarto mong pawisan. Hayaang bukas ang pintuan para makita nila ang malinis mong kwarto, at tumungo ka sa inyong kusina para kumain. Dahil nakakagutom maglinis.
  2. Buksan ang P.C. at patugtugin ang “Hands to Heaven” ni Christian Bautista. Kuhanin mo din ang Anatomy Book at basahin ng malakas, habang umiiyak, ang Chapter one hanggang twenty.
  3. Ipunin mo ang lahat ng marurumi mong damit. Maglaba habang sumisipol. Isampay ng maayos ang mga may kulay na damit at ikula ang mga puti. Pagkatapos pumunta kang muli sa kusinang pawis na pawis. Kumain ka uli, dahil nakakagutom din ang maglaba.
Ito’y ilan lamang sa mga hakbang na maaari mong gawin para patunayang responsible ka. Pero hindi ito ang kabuuan sapagkat ito’y bubot na simula lamang. Pumunta ka sa iyong mga magulang at humingi ka ng tawad sa kung ano mang nagawa mo upang mabansagang iresponsable. Pagkatapos, gawing panghabang buhay na kaibigan ang salita at gawaing ito ang tiyak na bubuhay sa iyo!

No comments:

Post a Comment